-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 10 na may mga pagkilos na silang gagawin kaugnay sa naging kautusan ni Presidente Rodrigo Duterte na isara na operasyon ng KAPA Community Ministry International Inc. o Kabus Padatoon ni Pastor Joel Apolinario.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni NBI-10 Regional Director Atty. Patricio Bernales Jr. na may gagawin silang hakbang tungkol sa nasabing kautusan subalit tumanggi muna ito na ibunyag sa publiko upang hindi malaman ng grupo ang kanilang ginagawang paghahanda.

Sa panig naman ng CIDG-10, sinabi ni Regional Director P/Lt. Col. Reymund Liguden na bago pa man ang naging atas ng pangulo, may mga konkretong hakbang na silang ginagawa laban sa KAPA.

Aniya, may ginagawa na silang case build-up laban sa organisasyon.

Tiniyak naman ni Liguden na hindi lang sa NBI at Securities and Exchange Commission ang gagawin nilang mahigpit na koordinasyon kundi pati na rin sa mga local government units upang ganap na mapasara ang KAPA.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na syndicated estafa ang ginagawa ng KAPA kaya dapat na itong matigil agad.