Bukas si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago sa posibilidad na i-tap ang International Criminal Police Organization (Interpol) para habulin ang mga Filipino content creator sa ibang bansa na inakusahan ng pagpapakalat ng disinformation.
Sa gitna ng patuloy na imbestigasyon ng NBI sa mga vlogger na inakusahan ng pagpapakalat ng fake news, tiniyak ni Santiago na magiging isang tapat na proseso ang paghingi ng tulong sa Interpol na i-extradite ang mga lumabag na Filipinong vlogger na nakabase sa ibayong dagat.
Ginawa ni Santiago ang pahayag isang araw matapos niyang ibunyag na natukoy at kasalukuyang binabantayan ng NBI ang nasa 20 vlogger na pinaghihinalaang nagkakalat ng maling impormasyon.
Binanggit ng NBI chief ang mga hamon sa hurisdiksyon sa pagtugis ng mga indibidwal sa ibang bansang may iba’t ibang legal frameworks partikular sa Estados Unidos kung saan hindi criminalized ang libel.
Kaugnay nito, ayon kay Santiago sinusuri na ng NBI ang mga alternatibong legal approach, kabilang ang mga potensiyal na kaso ng inciting to sedition at tax evasion.
Ang pagdami nga ng mga inuusig na online content creator sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng kanyang pamilya at ng mga Duterte, partikular ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court.