-- Advertisements --

Target ng National Bureau of Investigation(NBI) na magsampa ng kaso laban sa mga Filipino vloggers na tuloy-tuloy na nagpapakalat ng mga maling impormasyon sa internet.

Ginawa ni NBI Director Jaime Santiago ang naturang pahayag kasunod na rin ng umano’y lalo pang paglobo ng bilang ng mga nagpapakalat ng fake news at pinupuntirya ang mga matatas na opisyal ng pamahalaan, iba’t-ibang ahensiya, at iba pang nagsisilbing news source.

Inihalimbawa ng dating Regional Trial Court judge ang kaniyang inilabas na pahayag kamakailan kung saan binago umano ng mga vloggers ang konteksto.

Ayon kay Santiago, sa isang forum ay kaniyang sinabi na maaaring sampahan din ng kaso dito sa Pilipinas ang mga Pinoy na nasa ibayong-dagat upang kung lalabas na ang kanilang warrant of arrest ay agad na silang arestuhin pagbalik dito sa bansa.

Pero ang pinalabas umano ng ilang mga vloggers ay isa na itong pananakot ng NBI director sa mga Overseas Filipino Workers(OFW).

Dahil dito, maraming OFW aniya ang nagalit sa kaniya nang hindi man lang inaalam ang tunay na konteksto ng kaniyang mga pahayag.

Ayon kay Santigao, kailangan nang agad masawata ang mga vlogger na nagpapakalat ng maling impormasyon at panagutin sila sa kanilang ginagawa dahil tiyak aniyang lalo pang dumami ang bilang ng mga mabibiktima kung hahayaan lamang silang magpakalat ng pekeng impormasyon.

Nakahanda aniya ang NBI na magsampa ng kaso laban sa mga vlogger na matutukoy na nagpapakalat ng mga pekeng impormasyon, lalo na kung ito ay lubos na ring nakakasira sa bansa, nagiging banta sa pambansang seguridad, atbpa.

Paglilinaw ng NBI chief, walang kinalaman dito ang pulitika at hindi siya inutusan ninuman; bagkus, kailangan lamaang aniyang sugpuin ang labis na pagkalat at pagpapakalat ng maling impormasyon dito sa bansa.

Maalalang apat na kilalang vlogger na ang unang sinampahan ng NBI ng kaso dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon.