Sinagot ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang hamon sa kaniya ni dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo na bumalik sa law school.
Ito ay kasunod ng rekomensdasyon ng NBI sa Department of Justice (DOJ) na sampahan ng complaints si Vice President Sara Duterte para sa inciting to sedition at grave threats.
Ayon kay Santiago, maaaring nagbibiro lang si Atty. Panelo at hindi na kailangan pang bumalik sa law school dahil nagsimula na ang second semester at itinuturo na ang Book 2 ng Revised Penal Code.
Sinabi din ng NBI chief na maaari silang maki-sit in sa first year students para maintindihan umano ni Panelo na tama ang kanilang inihaing mga kaso.
Matatandaan na nagsilbi din si Santiago bilang judge ng Manila Regional Trial Court at sa Philippine National Police bago ito naitalaga bilang NBI chief.
Nauna na ngang opisyal na inihain ng NBI ang rekomendasyon nito na maghain ng complaints laban kay VP Sara dahil sa mga naging pahayag nito sa isang online press conference noong nakalipas na taon na may kinausap na siya para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay patayin.