LEGAZPI CITY – Aminado ang National Bureau of Investigation (NBI) na nahihirapan ang tanggapan na ma-trace ang nasa likod ng “Momo Challenge” lalo pa at nagagamit sa pagpapadala ng mensahe ang lahat ng social media platform.
Ayon kay NBI Cybercrime Division head Atty. Victor Lorenzo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinakailangan ding pag-aralan ang digital devices ng mga kabataan upang malaman kung totoong na-manipulate ito ng nasabing challenge.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na rin aniya ang ahensya sa mga magulang ng mga batang sinasabing nagpakamatay dahil sa “Momo Challange.”
Kailangan kasi aniyang masiguro na hindi cyberbullying ang dahilan ng pagkitil ng mga ito sa kanilang buhay.
Dagdag pa ni Lorenzo na marami na ring natatanggap na tanong ang Cybercrime Division kaugnay ng isyu mula sa iba’t ibang lugar kaya patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology.
Samantala, binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagpapaabot ng report sa mga kinauukulan upang mabigyan ng solusyon ang problema.