DAVAO CITY – Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na may isasagawa pa silang mga operasyon sa susunod na mga araw laban sa mga investment schemes sa Davao del Norte matapos ang kanilang isinagawang operasyon sa mga opisina ng Kabus Padatuon (KAPA) kahapon.
Ayon pa sa NBI, hinihintay na lamang nila ngayon ang ilalabas na search warrant mula sa korte bago nila isagawa ang operasyon.
Nabatid na isang Robert Melendez lamang ang naabutan matapos na isinilbi ng mga personahe ng NBI at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang search warrant sa tanggapan ng KAPA na nasa Pioneer Street, Tagum City.
Sa isinagawang operasyon, napag-alaman na may iba’t ibang mga cashier’s booth ang opisina kung saan ang lane No.10 ay para umano sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Dahil dito, dapat umanong imbestigahan ng kapulisan at militar kung sino sa kanilang mga personahe ang mga miyembro ng KAPA ito ay sa kabila na binigyan na nang paalala ang mga na ‘wag pumasok sa nasabing aktibidad.
Napag-alaman na hindi lamang sa Davao region ang may maraming investment schemes kung hindi sa mga lugar din ng Nueva Viscaya, mga lugar sa Region 7 (Central Visayas), Cebu City, Tacloban, at pinakamarami nito ang nasa Tagum at GenSan.
Kung maalala, nagsagawa din kahapon ng raid ang mga miyembro ng NBI-national sa bahay ng KAPA founder na si Pastor Joel Apolinario sa lungsod ng GenSan.