Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na matatapos agad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang contact tracing sa mga hinihinalang nakasalamuha ng Chinese national na namatay dito sa bansa matapos dapuan ng Novel Coronavirus kung makikipagtulungan sa kanila ang Department of Health (DoH) at Civil Aeronautics Board (CAB).
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang NBI mismo ang direktang nakikipag-ugnayan sa DoH at CAB para sa contact tracing.
Aniya, kapag kumpleto ang detalye na ibibigay sa kanila ng DoH at CAB ay agad nilang matatapos ang pagtunton sa mga pasahero ng eroplanong sinakyan din ng 44-anyos na nagmula sa Wuhan, China kung saan sinasabing nagmula ang naturang sakit.
Noong nakaraang linggo nang naitala itong kauna-unahang coronavirus death sa Pilipinas at patuloy pang lumulobo ang bilang ng mga patients under investigation.