GENERAL SANTOS CITY – Handa na ang National Bureau of Investigation (NBI) na kasuhan nang dagdag pang syndicated estafa cases ang founder ng Kabus Padatuon International Ministry Inc Joel Apolinario at 13 pang opisyal.
Ayon kay NBI agent Regner Peneza, ng NBI-Sarangani District Office na hinihintay na lamang nila ang kautusan mula sa NBI Manila.
Preparado na umano ang NBI na isampa sa Department of Justice ang nasabing mga kaso.
Dahil dito, sinisiguro naman ng opisyal na handa na ang lahat ng mga dokumento pati na ang reklamo ng limang residente na humingi ng tulong sa NBI.
Dagdag pa ni Peneza, isa sa nagreklamo laban sa KAPA ang isang senior citizen na nabiktima ng scam.
Maliban nito, kakasuhan din ng NBI si Apolinario at mga kasama dahil sa paglabag sa Securities and Regulation Code.
Sa ngayon hindi na makita si Apolinario kasama na ang ibang opisyal ng KAPA matapos umanong malagay sa delikadong sitwasyon ang kanilang buhay dahil sa pagkagalit ng mga investor bunsod ng hindi naibalik ang kanilang mga investment.
Una rito, ang NBI Manila at SEC ay naghain na rin ng kaso laban kay Apolinario.
Isa namang korte sa Davao ang nag-utos na ilagay sa hold departure order ang mga lider ng grupo.
Habang ang AMLC ay ipinatupad na ang freeze order sa mga assets ng KAPA at P100 million na nasa mga bangko.
Ang serye na pagpapasara sa mga tanggapan ng KAPA o Kabus Padatuon ay makaraang iutos ito ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y “continuing crime” na ginagawa ng grupo na isang uri rin ng Ponzi scheme o pyramiding scam.