Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Linggo na inihahanda na nila ang subpoena para kay Art Samaniego, ang tech editor ng Manila Bulletin, dahil sa alegasyon na ito ang nag-utos sa pag-hack ng mga pribadong kumpanya at mga website ng pamahalaan.
Ayon kay NBI deputy spokesperson Sean Michael Dangilan, ang subpoena batay na rin sa extrajudicial confession ng nahuling suspek, isang IT officer ng nasabing media outlet, na nagsabing siya ay nag-hack ng mga website sa ilalim ng utos ni Samaniego.
Noong Biyernes, matatandaan na inaresto ng mga awtoridad ang naturang IT officer na umano’y nag-hack ng mga website ng militar, National Security Council, at ilang mga bangko.
Ayon sa suspek, ilang mga website ang kanyang na-hack sa ilalim ng utos ni Samaniego upang gamitin umano sa kanyang mga column at social media platforms.
Kaya naman dagdag ni Dangilan, layunin ng subpoena na imbestigahan ang mga paratang laban kay Samaniego, na hinihikayat na personal na dumalo sa NBI upang ipaliwanag ang kanyang panig.
Mariin namang itong itinanggi ni Samaniego, na siyang Senior Technology Officer ng nasabing Publishing Corp.
Aniya, matagal na siyang kasangga ng mga ahensya ng gobyerno sa larangan ng cybersecurity.