-- Advertisements --

Nanindigan si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na hindi sila magbibigay ng kopya ng mga tanong na siyang gagamitin sa magiging imbestigasyon tungkol sa mga kontrobersiyang pahayag ni Vice President Sara Duterte sa planong pagpatay umano nito kay Pangulong Bong Bong Marcos.

Paliwang ni Santiago, iikot lamang ang mga katanungan sa kung sino nga ba ang nautusan ng pangalawang pangulo para ipapatay si Pangulong Marcos at kung bakit niya nabitawan ang mga bantang iyon.

Ito ay matapos maurong ang dapat sanang pagdalo nito sa opisina ng NBI sa Pasay nitong Biyernes para mabigyang linaw sana ang mga pahayag niyang ito laban sa kasalukuyang administrasyon.

Kasunod nito ay nagpadala ng liham ang pangalawang pangulo sa NBI na humuhiling ng kopya ng complaint laban sa kaniya at ilang pang dokumentong sumusuporta sa gagawing imbestigasyon sa kaniya ng ahensya.

Samantala, nanawagan naman ang direktor kay VP Sara na malaking bagay umano ang magiging kooperasyon nito sa imbestigasyon para makakuha pa karagdagang impormasyon ang NBI tungkol sa mga maaari pang banta sa buhay ng Pangulo pati na rin ang seguridad niya bilang Pangalawang Pangulo ng bansa.