ILOILO CITY – Hinihintay pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang desisyon ng Sandiganabayan hinggil sa kahihinatnan ng naka-hospital arrest na si Janiuay, Iloilo Mayor-elect Frankie Locsin.
Napag-alaman na dalawang linggo nang naka-hospital arrest si Locsin matapos inaresto ng NBI dahil sa kasong pandarambong.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Raul Quinto, assistant regional director ng NBI-6, sinabi nito na hinihintay pa nila na makapagsagawa ng medical examination ang court appointed physician sa kalagayan ni Locsin.
Ayon kay Quinto, malaki ang maitutulong ng court appointed physician upang malaman kung “fit to travel” na patungong Metro Manila ang alkalde para sa pagdinig ng kinasangkutang kaso.
Napag-alaman na nag-ugat ang kaso ni Locsin sa pagbili ng Local Government Unit (LGU) ng Janiuay, Iloilo ng P15-milyong halaga ng gamot gamit ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Sen. Vicente Sotto III noong 2001.
Ang medical supply contract ay ibinigay sa AM Europharma kahit na ang accreditation ng nasabing kompanya ay isinuspende ng Department of Health (DOH).
Maliban kay Locsin, hinatulan rin ng 6 hanggang 10 taong pagkabilanggo at perpetual disqualification to hold public office sina Municipal Accountant Carlos Moreno Jr., Budget Officer Ramon Tirador, treasurer na si Luzviminda Figueroa, Ricardo Minurtio at Rodrigo Villanueva.