-- Advertisements --

Layon ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon upang alamin kung may mga tao sa likod ng pagpapakalat ng ‘fake news’ sa Pilipinas.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kanilang tinitingnan kung bakit ganito ang tema ng mga vloggers ngayon at kung may mga tao bang nagtutulak sa kanila na gawin ito.

Nagsimula nang makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ang NBI at mayroon narin umanong nakalista sa kanila na hindi bababa sa 20 vloggers na nagpapakalat ng ‘fake news’.

Ayon pa kay Santiago, napansin nilang ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon ay nakatutok sa parehong mga paksa, lalo na sa mga isyung pampulitika.

Sinabi niyang iniimbestigahan nila ang lahat ng anyo ng maling impormasyon, kabilang ang mga maling akusasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga pag-atake sa mga opisyal ng gobyerno.

Binigyang diin pa ng NBI na pinahalagahan ng ahensya ang balanse ng kalayaan sa pagpapahayag at ang pangangailangan na pigilan ang mga gawain na nagdudulot ng pinsala tulad ng pamiminsala sa reputasyon o pagkakalat ng maling impormasyon.

Samantala sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang pekeng balita ay maaaring magdulot ng kaguluhan sa lipunan at magdulot ng takot sa mga tao, kaya’t mahalaga na magsalita ng katotohanan ang bawat isa.

Dagdag pa ni Santiago na iginagalang niya ang kalayaan sa pagpapahayag ngunit itinuturing niyang kailangan ng legal na hakbang kapag lumampas na sa hangganan ang mga aksyon ng mga tao.

Gayunpaman, nagbigay babala ang Commission on Human Rights (CHR) na ang pagtatangka ng gobyerno na tukuyin kung ano ang totoo o hindi ay maaaring magdulot ng labis na paghadlang sa kalayaan at isang paglabag sa 1987 Constitution.

Ang naturang pahayag ng CHR ay kasunod ng pag-aresto sa isang vlogger noong Marso 21, na umamin na siya ay binayaran upang mag-post ng maling impormasyon, kahit na maliit ang halaga ng ibinayad sa kanya.