Ibinunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) na mayroong ikatlong Alice Guo na nag-apply ng NBI clerance sa lungsod ng Quezon noong taong 2005.
Sa isang press conference ngayong araw ng Miyerkules kaugnay sa kaso ni Bamban Mayor Alice Guo, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nang suriin ang lugar kung saan nakatira ang naturang indibidwal na nakatala sa kaniyang rekord, hindi nagi-exist ang nasabing Alice Guo.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad ang karagdagang detalye kaugnay sa pagkakakilanlan ng natukoy na ikatlong Alice Guo.
Samantala, nakatakda namang ilabas ng NBI ang resulta ng fingerprints examination sa indibidwal na may kaparehong pangalan kay suspended Bamban Mayor Alice Guo na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa kwestyonableng pagkakakilanlan nito.
Ayon kay NBI Dir. Santiago anuman ang magiging resulta ay hindi ito makakaapekto sa naunang findings ng NBI kung saan tumugma ang fingerprints ng suspendidong alkalde sa Chinese national na si Guo Hua Ping.
Matatandaan na una ng nabunyag sa pagdinig noong Hunyo 26 sa Senado kaugnay sa ni-raid na POGO sa Bamban Tarlac, iprinisenta ni Sen. Risa Hontiveros ang isang NBI clearance ng isang babaeng nagngangalang Alice Leal Guo na may parehong birth province at kaarawan tulad ng kay Bamban Mayor Alice Guo subalit magkaiba ang larawan, dito lumutang ang posibilidad na stolen identity ng isang Pilipino ang kaniyang ginagamit.
Habang sa isinagawang pagdinig naman ng Senate panel noong Hunyo 18, iprenisenta ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga dokumento mula sa Board of Investments mula sa aplikasyon ng pamilya Guo para sa Special Investors Resident Visa at BI.
Dito, napagalaman na pumasok sa bansa ang isang Guo Hua Ping, Chinese national sa edad na 13 anyos kung saan nakarehistrong ina nito ay si Lin Wen Yi na sinasabing tunay na ina ni Bamban Mayor Alice Guo.
Nagbunsod ito sa NBI na magsagawa ng fingerprints examination sa suspendidong alkalde at Chinese national na si Guo Hua Ping kung saan kamakailan ay kinumpirma ng NBI na tugma ang fingerprints ng dalawa.