-- Advertisements --

Maglulunsad din ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y banta sa buhay ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay maliban pa sa imbestigasyon sa umano’y inatasan ng Bise Presidente para patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Siniguro ni NBI Director Jaime Santiago na hindi nila iti-take for granted ang sinabi ng Ikalawang Pangulo kaugnay sa banta sa kaniyang buhay.

Saad pa ng NBI chief na kanilang aalamin kung sino ang pinaghihinalaan ng Bise Presidente at kung mayroong ebidensiya.

Una rito, pinagpaliban ngayong araw at inilipat ang pagdinig sa imbestigasyon kaugnay sa mga naging pahayag ni VP Sara laban sa Pangulo sa Disyembre 11 matapos hilingin ng Bise Presidente sa pamamagitan ng sulat na ipinaabot ng kaniyang abogado na i-reschedule ito.

Nauna naman ng nilinaw ni VP Sara na ang kaniyang mga pahayag laban sa first couple at House Speaker Romualdez ay “maliciously taken out of context” lamang.