-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na ilang mga bangkay pa ang inaasahan nilang mahuhukay sa nadiskobreng mass grave sa Barangay Molosbolos, Libon, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Edwin Romano, Special agent ng NBI Bicol, marami pa ang mga pinaniniwalaang pinatay at inilibing sa lugar ng Concepcion Criminal group na matagal ng pinaghahanap ng mga otoridad.

Ayon kay Romano, matapos ang pagkakadiskobre ng mga naturang bangkay, marami pang mga kaanak ang dumulog sa kanilang opisina upang mahanap rin ang nawawala nilang kapamilya.

Samantala, nakumpirma na rin ang pagkakakilanlan ng mga bangkay kung saan tatlo rito ay mga contractor na sina Isabelle Razon at ang magkapatid na Gilbert at Glen Quinzon na Hunyo 2021 pa ng maiulat na nawawala; Jonald SeƱadan na sinasabing asset ng gobyerno at Disyembre 2021 ng mawala; at ang magkapatid rin na Marlon at Merwin Ansay na parehong nagtitinda lamang ng medicinal products at naireport na missing ngayong Enero.

Nakatakdang bumalik ang NBI sa lugar kasama ang mga pulis at sundalo upang muling maghukay dahil may mga naiulat pa ang kanilang imformant na ilang biktima na pinaniniwalaang inilibing rin sa lugar.