-- Advertisements --
IMG 2e268da26686c0bd023071a9684feff1 V 1

Agad isinalang sa electronic inquest proceedings sa City Prosecutor ng Quezon City ang dalawang kataong inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa hindi nila otorisadong pagsasagawa ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) swab testing sa Quezon City.

Patong-patong na kaso ang isinampa sa mga suspek kabilang na ang apat na bilang ng Estafa, dalawang counts ng Falsification na may kaugnayan sa Cybercrime Law.

Sinabi ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric Distor na inaresto ng Special Action Unit (SAU) ng NBI sa Quezon City ang mga suspek na sina Bernadette Lagat at Paulo Arevalo Onate.

Ayon kay Distor, nag-ugat ang reklamo sa isang Facebook page na “Swab Test Pilipinas” na nag-o-offer ng home service swab test sa halagang P3,500 kada test.

Una rito, ibinunyag ng complainant na isang Berna Lagat ang nang-entertain sa kanya at nagkaroon sila ng komunikasyon sa pamamagitan ng cellphone number ng suspek. 

Ang actual swab test ay isinagawa ng subject sa kapatid at pamangkin ng nagrekmao na taga Sampaloc, Manila.

Inihirit daw ng complainant na mag-isyu ng official receipt si Lagat pero hindi siya pinagbigyan ng suspek dahil hindi raw sila nag-iisyu ng resibo onsite.

Pagkatapos naman daw ng isang araw ay natanggap na niya ang negative RT-PCR result ng kanyang pamangkin mula sa Hero Laboratories. 

Pero nang iberipika raw ng complainant ang resulta, sinabi ng pamunuan ng naturang laboratoryo na hindi sila nagsagawa ng  RT-PCR test sa kanyang pamangkin.

Agad naman umanong kumilos ang NBI-SAU operatives sa reklamo at agad silang nakipag-ugnayan sa Facebook page Swab Test Pilipinas. 

Kinumpirma ng FB page na affiliated daw sa Marilao Medical Diagnostic Center ang kanilang laboratoryo na accredited ng Department of Health (DoH) pero hindi nagsasagawa ng home service swab testing.

Nang beripikahin ng NBI sa Health Facilities and Services Regulatory Bureau ng DoH, natuklasan ng NBI-SAU na wala namang existing licensed facility bilang COVID-19 Testing Laboratory na ang pangalan ay Swab Test Pilipinas.

Lumalabas din sa verification ng NBI sa Hero Laboratories kung saan sinasabing dinala ang specimen ng kapatid at pamangkin ng biktima na hindi raw nag-e-exist o nagma-match sa kanilang records ang resulta ng RT-PCR test.

Dahil dito, agad nagsagawa ng entrapment operation  ang NBI sa Don Pepe, Sto. Domingo sa Quezon City kung saana isinasagawa ang swab testing collection.

Bigo namang maglabas ang mga suspek ng mga dokumento para patunayang otorisado sila ng DoH at aminadong hindi rin sumalang sa training ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa pagsasagawa ng swab testing.