Arestado ang isang suspek sa kasong sextortion matapos mahuli ng National Bureau of Immigration sa San Jose, Antique.
Ayon sa NBI Antique District Office, kinilala ang naturang suspek na si Jebson Palmes y Gumayao alyas Jake na humaharap sa paglabag ng RA. No. 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at Article 286 Grave Coercion ng Revised Penal Code.
Sa isinumiteng reklamo ng biktima noong December 2022, sinabi nito na ang suspek ay inihayag na mayroon umano itong video niyang walang suot na damit.
Pagkatapos ay ina-add raw siya ng suspek sa kanyang social media account at i-sinend ang mismong video habang siya’y natutulog ng hubo’t hubad.
Dahil dito agad na hiniling ng biktima na i-delete nito ang naturang video ngunit hiniritan umano ito na makipagtalik kapalit ng pagbura at tinakot pang ipo-post sa social media kung hindi siya susunod.
Kaya naman napilitan gawin ito ng biktima hanggang sa tumagal ito ng halos tatlong taon at tuluyan pang nabuntis ng suspek.
Ngunit ng yayain na ang buntis na biktima sa bahay ng suspek ngayong March 2025, hindi na nito pinalampas at sinumbong na ang pangyayari sa NBI.
Tuluyan naman ng naaresto ang naturang suspek sa address na ibinigay sa biktima at iprinisenta na sa Office of the Provincial Prosecutor ng San Jose, Antique para sa inquest proceedings.
Alinsunod rito, tiniyak ng National Bureau of Investigation na patuloy ang kanilang mga operasyon gaya nito upang habulin ang mga kriminal.
Kasabay din ang kanilang pagseryoso sa kampanya ng kawani laban sa iba’t ibang anyo ng kriminalidad.