-- Advertisements --

Inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga dayuhang diplomat na gumagawa ng ilegal at labag sa batas na aktibidad sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi absolute ang diplomatic immunity.

Aniya, bagamat tinatamasa ng foreign diplomats ang mga pribilehiyo at immunities na iginawad sa kanila, tungkulin din ng mga ito na igalang ang mga batas at regulasyon ng isang estado.

Hindi din dapat gamitin ang diplomatic immunity bilang isang lisensya upang pagsamantalahan ang kapayapaan at pagkakaisa ng ating bansa para sa pansariling motibo, dahil ang pribilehiyong ito ay hindi pumoprotekta sa sinuman mula sa consequences sa ilalim ng Rule of Law.

Sinabi rin ng DOJ gagawin nito ang nararapat na aksyon kung kinakailangan laban sa mga posibleng lumabag na diplomats.

Binanggit din ng DOJ na ang Vienna Convention on Diplomatic Relations ay nagsasaad na ang mga diplomat, empleyado ng mga international organization at ang kanilang mga kapamilya ay sakop ng partikukar na degree ng diplomatic immunity sa panahon ng kanilang pananatili sa isang estado.

Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng mga ulat na inilabas ng Chinese embassy na diumano’y transcript at recording ng pag-uusap pagitan ng isang Chinese diplomat at AFP-Western Command chief kaugnay sa Ayungin Shoal.