-- Advertisements --

Inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang umano’y pagpuslit ng hindi rehistradong COVID-19 vaccines sa bansa.

Ayon kay Guevarra, inatasan na nito si NBI OIC Chief Eric Distor na agad siyasatin ang napaulat na hindi otorisadong distribusyon at pagtuturok ng bakuna laban sa coronavirus.

Sisilipin aniya ng mga imbestigador ang posibleng paglabag sa Food and Drug Administration (FDA) Act, Consumer Act, at ng Medical Practice Act.

Nilinaw naman ni Guevarra na “general instruction” ang utos at wala silang pinatutungkulan na anumang grupo o insidente.

“We are not zeroing in on the PSG or any particular incident of unauthorized vaccination,” ani Guevarra.

Una rito, ibinunyag ni Presidential Security Group (PSG) Commander BGen. Jesus Durante III na sila mismo ang nag-request ng bakuna at wala raw alam dito ang Pangulong Rodrigo Duterte o alinmang mga ahensya ng gobyerno.