-- Advertisements --
nbi

Pinaplantsa na ng National Bureau of Investigation ang mga kasong kriminal na ihahain laban kay suspended Representative Arnolfo Teves Jr kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Kahaharapin ng mambabatas ang mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder dahil sa pagkakasangkot umano nito sa pagpaslang sa gobernador.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, pinag-aaralan na rin nila ang paghahain ng kaso na may kinalaman sa Terorismo.

Mas kilala ito bilang paglabag sa Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020.

Naniniwala ang kalihim na ang karumal dumal na pangyayari sa Negros Oriental ay nagdulot ng takot sa mga mamamayan roon at ito ay maituturing na isang elemento ng Terorismo.

Aniya, sa pamamagitan nito ay maaaring ring lumiit ang mundo ng mambabatas at mapipilitan na lamang itong umuwi ng bansa.

Sakali kasi na madeklarang terorista si Teves ay maaari ng arestuhin ang mambabatas sa kahit saang bansa.

Kung maaalala, tinukoy ni Remulla si Teves na nagsilbi umanong financier na bumili ng mga sasakyan, baril at bala na ginamit sa tinaguriang Pamplona Massacre.

Malaki rin ang tyansa na ma freezed ang lahat ng pera ni Teves sa bangko bagama’t naniniwala ang kalihim na hindi ito iindahin ni Teves dahil napakarami nitong tagong pera mula sa mga illegal gambling activities katulad ng e-sabong.

Si Arnie Teves Jr. ay bigo pa ring umuwi ng bansa dahil umano sa isyu ng kanyang seguridad.

Sinabi rin ng mambabatas na wala itong makitang sense of fairness sa isinasagawang preliminary investigation kaya’t tumanggi itong bumalik ng Pilipinas.

Patuloy namang iginigiit ni Teves ang pagkakasangkot nito sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo at sa walong iba pa na nadamay sa pamamaril.