Ipinagmalaki ng National Bureau of Investigation ang kanilang naging hakbang na i-donate na lamang sa mga biktima ng bagyo ang pondo para sana sa kanilang Christmas party.
Ayon sa NBI, mas mainam na mapakinabangan ito ng nakararami sa halip na ilaan sa panandaliang kasiyahan.
Ginawa ng kawanihan ang pahayag sa isinagawang “Butil at Tuwang Handog ay Pag-asa” program sa Pasay City.
Nanguna sa pagbibigay ng bigas at mga laruan si NBI Director Jaime Santiago sa DSWD na naatasan namang mangalaga na naturang donasyon sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo sa bansa.
Binigyang diin ni Santiago na sila ay nakikiisa sa lahat mga mga mamamayang Pilipino lalo na sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Ang nasabing Christmas Party ay gaganapin sana sa PICC.
Ayon kay Santiago, ang kanilang hakbang ay alinsunod sa panawagan ni PBBM na gawing simple ang mga Christmas parties ngayon dahil sa mga kalamidad na tumama sa bansa.