-- Advertisements --

Inirerekomenda na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) na sampahan na ng kaso si Vice President Sara Duterte kaugnay sa naging pahayag nito noon na nag-hire na siya ng tao para patayin si President Bongbong Marcos Jr, First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag namatay siya.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, inciting to sedition and grave threat na kaso laban sa bise ang inirerekomenda nila.

Naipasa na rin daw nila sa DOJ ang mga ebidensyang nakalap nila at ang DOJ na ang magtitimbang timbang kung magsasagawa ba ito ng preliminary investigation.

Sa ngayon, kinukuhanan pa ng komento o pahayag ang pangalawang pangulo hinggil dito.

Ayon sa OVP Staff, dahil seryosong usapin ito, kinakailangan pang antayin kung kailan makakapagdesisyon ang bise na maglabas ng pahayag hinggil dito.

Matatandaan na sa kamakailang press briefing ni VP Duterte sa tanggapan ng pangalawang pangulo sa Mandaluyong noong February 7, pinabulaanan nito na may binitawan siyang assassination threat. Aniya, hindi iyon pagbabanta sa buhay ng Pangulo at first family at ang kampo lang daw nito ang nagsasabing may assassination threat.