Sinimulan na ng mga imbestigador ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagtatanong sa mga testigo ukol sa nangyaring pananambang kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.
Ito ay kasunod na rin ng muling pagbubukas sa kaso ng dating heneral kasabay ng mga bagong impormasyon na lumabas sa mga naunang pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nakipag-ugnayan na rin ang mga NBI investigator sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Target ng NBI na makakuha ng mga konkretong ebidensiya para makabuo ng solidong kaso laban sa mga posibleng sangkot sa nangyaring pananambang.
Una na ring sinabi ng Philippine National Police (PNP) na muli nitong bubuksan ang kaso ni Barayuga sa pangunguna ng CIDG.
Ayon kay Director Santiago, sisilipin ng NBI ang lahat ng anggulo sa nangyaring pananambang, kasama na ang mga testimoniyang lumabas sa Quad Committee.