-- Advertisements --

Nagsagawa ng site inspection ang ilang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang warehouse ng Commission on Elections (Comelec) sa Sta. Rosa, Laguna.

Ito ay matapos na makatanggap sila ng mga ulat na may nangyari umanong hacking sa data ng Comelec para sa papalapit na May 2022 elections.

Sinabi ni officer-in-charge Eric Distor na kumbisido sila na walang nangyaring hacking sa lugar matapos silang magsagawa ng configuration at testing dito.

Samantala, sa hiwalay na pahayag naman ay sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevara na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan sa Comelec at nagsasagawa ng imbestigasyon ang NBI cybercrime division at special project team ukol dito at may ilang mga dokumento na rin ang itinurn-over sa bureau upang isailalim sa validation at authentication.

Binigyang diin naman ni Comelec Commisioner Marlon Casquejo na stand alone ang kanilang sistema at hindi ito connected sa internet o sa kahit na anong network.

Magugunita na kamaikailan lang ay pinabulaanan ng Comelec ang iniulat ng Manila Bulletin na may nakapasok umano na mga hacker sa mga server poll ng komisyon upang magnakaw ng mga sensitibong impormasyon na may kaugnayan sa 2022 polls.