Maghahain pa umano ng karagdagang mga criminal complaints ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa Kabus Padatoon o KAPA Community Ministry.
Ayon kay NBI spokesman Deputy Director Ferdinand Lavin, nakatatanggap pa rin daw kasi ng mga reklamo ang kanilang mga regional offices mula sa ibang mga miyembro ng KAPA.
Tiniyak ni Lavin na kasabay ng pagtanggap nila ng mga reklamo at pagkalap pa ng karagdagang mga ebidensya, patuloy pa rin daw nilang sasampahan ang KAPA ng kasong paglabag sa Securities Regulation Code.
“As we receive complaints and gather evidence, we will continue to file cases of violations of the Securities Regulation Code,” wika ni Lavin.
Samantala, kasalukuyang nagsasagawa ng preliminary investigation ang panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) sa reklamong inihain ng NBI laban sa naturang investment scam.
Tatlong KAPA members na aniya ang naghain ng kanilang affidavits of desistance at umatras bilang complainants sa reklamo ng NBI.
“We also understand kung medyo napangakuan sila na ibabalik,” ani Lavin. “But rest assured na sana ay tuloy-tuloy itong imbestigasyon at sana ay mag-cooperate sila.”
“Naloko na sila one time, they should not believe them anymore,” giit nito.
Sa naturang complaint, inaakusahan ng NBI ang KAPA ng mga paglabag sa Securities and Regulations Code, at syndicated estafa.
Kabilang sa pinangalanang mga respondents sa complaint ang KAPA founder na si Joel Apolinario at asawa nitong si Reyna Apolinario; at ilan pang mga opisyal.