CAUAYAN CITY – Pumasok na ang National Bureau of Investigation (NBI)-Isabela sa imbestigasyon sa pagdukot sa tatlong trabahador ng isang negosyante sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni NBI Provincial Director Tim Rejano na agad silang kumilos matapos na dumulog sa kanila ang pamilya ng mga biktima na sina Alfredo Francisco, Jill Gazzingan at Joseph Allissin, pawang residente ng nasabing siyudad.
Sinabi ni Rejano na nagtataka sila kung bakit ang tatlo lamang mula sa 11 na trabahador ang dinukot ng mga armadong sasakyan noong Pebrero 6 sa Sta. Rita, Aurora, Isabela.
Aniya, sa pagtatanong nila sa pamilya ng mga biktima kung bakit pinag-interesan na dukutin ang tatlo ay may isang anggulo na kanilang susundan sa paglutas sa pagdukot.
Mayroon na silang nakikitang anggulo na maging gabay sa imbestigasyon at posibleng sa susunod na linggo ay mayroon na silang ipapatawag na person of interest.
Ani Rejano, may direktang ugnayan sila kay Isabela Police Provincial Office (IPPO) Director PCol. Mariano Rodriguez hinggil sa pagsisiyasat sa pagdukot sa tatlong trabahador.
Depende aniya sa makukuha nilang mga ebidensiya sa time frame ng kanilang paglutas sa kaso.
Ang isa sa mga suspek na inilarawan ng mga testigo na matangkad at mahaba ang buhok ay namonitor na nila noong pang 2016 elections.
Samantala, wala pang malinaw na gabay ang Special Investigation Task Group (SITG) ng IPPPO sa pagdukot sa mga biktima.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Col. Ronald Laggui, spokesman ng SITG, sinabi niya na nagkaroon ng case conference nitong Huwebes tungkol sa kidnapping case.
Inamin niya na medyo nahihirapan sila sa pagtukoy sa motibo sa pagdukot sa mga biktima.
Wala pang na-establish na anggulo bagamat tinitingan kung may kaugnayan sa trabaho at kung may nakaaway ang mga biktima.
Ayon kay Laggui, ipapatawag nila ang mga kapamilya ng tatlo para malaman ang kanilang background tulad ng mga nauna nilang trabaho, kung bukod sa Cauayan City ay nanirahan sila sa ibang lugar at kung may record sila sa iligal na gawain.
Naantala aniya ang paglatag ng checkpoint para sana mahuli ang mga suspek dahil higit isang oras na ang nakalipas nang magsumbong sa Aurora Police Station ang kapatid ni Francisco na kasama sa mga hindi dinukot ng mga suspek.
Inihayag ni Laggui, sisikapin nila na malutas ang kidnapping case bago mabuwag ang SITG pagkatapos ng anim na buwan.