Nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa halos 200 pekeng birth certificates ang inisyu ng civil registry sa Sta. Cruz, Davao del Sur, karamihan para sa mga Chinese national.
Ayon kay NBI Region 11 Director Archie Albao, inisyu ang nasabing mga pekeng dokumento mula 2018 hanggang 2019.
Sa ngayon, nagpapatuloy aniya ang kanilang imbestigasyon sa mga pekeng birth certificate na inisyu sa mga dayuhan.
Sakaling may katibayan, sasampahan ng kaukulang kaso ang mga responsableng indibidwal.
Batay sa NBI RD, nadiskubre ang pekeng mga dokumento sa pag-iimbestiga nila at pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng gobyerno gaya ng Philippine Statistics Authority, Bureau of Immigration at mga lokal na pamahalaan.
Gayundin, ito ay may kinalaman sa pagkakadakip sa isang Chinese national sa tanggapan ng DFA sa Davao city noong Hulyo 9.