-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nakikipag-ugnayan na umano ang National Bureau of Investigation (NBI) Region 12 sa pangunguna ni regional director Atty. Olivio Ramos sa Securities and Exchange Commission (SEC) kaugnay sa pagpapatupad ng cease and desist order (CDO) laban sa KAPA Community Ministry International, Inc.

Ito ay matapos maglabas ang komisyon ng panibagong advisory na nagsasabing permanente na ang CDO laban sa KAPA group.

Sa nasabing kautusan ng SEC, tinukoy ang pag-deputize sa NBI, PNP at mga local government units (LGU) upang i-assist sila sa pagpapatupad ng CDO laban sa umano’y pagiging investment scam ng KAPA.

Sa isang panayam kay Atty. Ramos, inihayag nitong nililinaw pa nila sa SEC kung paano ipapatupad ang CDO laban sa KAPA group.

Sa Butuan City, nakatakda ring magpapalabas na ng kaukulang hakbang sa susunod na mga araw si Butuan City Mayor Ronnie Vicente Lagnada kaugnay sa natanggap na cease and desist order mula sa Securities and Exchange Commission.

Ayon kay Butuan City Councilor Omar Andaya matapos magpalabas ng public advisory ang city government na permanente na ang cease and desist order kasabay sa paghikayat sa taongbayan na sundin ito at iwasan ang pagsali sa KAPA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, noong nakalipas daw na Biyernes natanggap nila ang sulat galing sa Commission en Banc ng SEC na nag-deputize sa NBI, PNP at LGU upang tulungan silang maisilbi ang cease and desist order.