Naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng iba’t ibang mga kaso laban kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo matapos madiskubre na hindi kay Guo ang lagda sa kaniyang pinanotaryong counter-affidavit laban sa kaniyang human trafficking case.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, isinampa ang mga reklamong falsification by a notary public, use of falsified documents, perjury, at obstruction of justice laban kay Guo at Atty. Elmer Galicia, ang abogadong nag-notary ng counter-affidavit.
Sinabi naman ni NBI Task Force Alice Guo head agent Palmer Mallari na hindi si Guo kundi ibang tao ang lumagda sa kaniyang counter-affidavit. Ito ang lumabas sa resulta ng pagsusuri nang pagkumparahin ang nakolektang specimen signatures ni Guo mula sa mga orihinal na dokumento sa Bamban, Tarlac at lagda mula sa counter-affidavit niya.
Sa ngayon, wala pang tugon ang kampo ni Guo kaugnay sa findings ng NBI at sa inihain nitong mga reklamo.
Samantala, kasunod ng paghahain ng mga complaint sa DOJ, naghain din ng disbarment complaint ang NBI laban kay Atty. Galicia sa Supreme Court.