Nagbigay ng kanilang paliwanag si National Bureau of Investigation Director Jaime B. Santiago kung bakit hindi nila maisapubliko ang detalye ng imbestigasyon sa pinaslang na negosyanteng Filipino-Chinese.
Sa isang pulong balitaan na ginanap ngayong araw, binigyang linaw ng naturang NBI chief na mayroon silang sinusunod pang protocol sa naganap na kidnapping at pagpatay kay Anson Que.
Kung saan ipinaliwanag nito na ang kasong kidnapping ay hindi maikukumpara sa ibang kaso na pwedeng maglahad kaagad ng detalye sa isinasagawang imbestigasyon.
Aniya, numero unong protokol ng kanilang trabaho pagdating sa kidnapping case ay isaalang-alang muna ang seguridad lalo na ng biktima.
Kaya naman naniniwala siya na ang kasong pag-kidnap at pagpaslang sa Fil-Chinese businessman ay masyadong sensitibo para isapubliko pa ang mga impormasyong kanilang natatanggap.
Bagama’t tahimik ang isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan, iginiit naman niyang may ginagawa silang mga hakbang upang tuluyang malutas at magkaroon na ng resolusyon hinggil sa isyung ito.