-- Advertisements --

Nakaaresto ang National Bureau of Investigation (NBI) ng panibagong sangkot sa pang-iispiya sa kampo ng militar at kapulisan sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago na kinilala ang mga suspek na sina Omar Khan Kashim Joveres, Leo Panti at Mark Angelo Binza habang ang dalawang Chinese National ay sina Ni Qinhu at Zheng Wei.

Nahuli ang mga ito matapos ang ulat mula sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na mayroong sasakyan na mayroong hindi otorisadong International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers.

Palagi umanong nakikita ang sasakyan na dumadaan sa mga kampo ng militar at PNP maging sa ibang pasilidad ng gobyerno sa Metro Manila.

Kasamang nasamsam sa mga suspek ang hindi otorisadong base station na siyang gumagaya ng isang lehitimong cell tower para maka-access sa mobile network communications.

Ginagamit ng mga suspek ito para sa surveillance, pakikinig sa mga komunikasyon, pagtigil sa network at pagkuha ng mga datos.

Ang mga suspek ay nasampahan na ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Espionage Law.