-- Advertisements --

Nakapaghain na ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa sampung indibidwal na umano’y nagpapakalat ng mga pekeng impormasyon, online.

Ngayong lingo, apat na overseas Filipino worker (OFW) ang panibagong nasampahan ng kaso dahil sa umano’y paggamit ng edited video clip ni NBI Director Jaime Santiago mula sa kaniyang dinaluhang forum kamakailan.

Dito ay pinapalabas umano nilang pinagbabantaan niya ang mga OFW.

Ayon sa NBI chief, labis na ang pagkalat ng fake news sa bansa na nagdudulot na banta sa iba’t-ibang sector.

Kailangan na aniyang masugpo ito upang mapigilan ang dulot na pinsala lalo na kung maaapektuhan na rin ang national security ng bansa.

Giit ng retiradong Regional Trial Court judge, mistulang isang pandemiya na ang fake news sa bansa kung saan ilan sa mga nagpapakalat nito ay ginagawa lamang bilang katatawanan.

Ang iba aniya ay ginagawa na tin ito bilang livelihood kung saan kumikita sila dahil sa pekeng online content.

Nangako ang NBI chief na magtutuloy-tuloy na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga fake news peddlers at kung lalabas na ang kanilang warrant of arrest aniya, tuluyan na rin silang aarestuhin.