Narecover ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang mga sensitibong video at mga larawan mula sa mga pag-iingat ng limang mga Chinese na pinaghihinalaang mga espiya.
Maalalang iprinisenta ang mga ito kahapon, Enero 30, kasabay ng pagtukoy sa kanilang pagkakakilanlan bilang sina Cai Shaohuang, o kilala bilang si Richard Tan Chua, ang kinikilalang field commander ng grupo; Cheng Hai Tao; Wu Cheng Ting; Wang Yong Yi at Wu Chin Ren.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kabilang sa mga narecover mula sa pag-iingat ng mga suspek ay mga video at larawan ng Buliluyan port sa ataraza, Palawan; mga Coast Guard station, naval vessel at mga pantalan.
Nakuha rin mula sa kanila ang mga high-resolution image ng Philippine Navy ships, pangunahin dito ang Del Pilar-class patrol vessel na PS 16.
Kabilang din dito ang mga footage ng Philippine Coast Guard Vessel na BRP Teresa Magbanua at BRP Gabriela Silang habang ang mga ito ay nakahimpil sa PCG-Maritime Safety Service Unit NCR Cluster.
Natunton din sa mga mobile device ng mga ito ang terrain map ng Subic Bay International Airport at Naval Operating Base Subic. Nakitaan din ang kanilang mga cellphone ng mga Chinese character markings na ayon sa mga otoridad ay nagpapakita ng reconnaissance planning.
Ang mga natunton na larawan at mga video footage ay ilan lamang sa mga nakita sa inisyal na forensic analysis sa ilang gamit na nakumpiska mula sa limang Chinese, kabilang na ang kanilang mga mobile device.
Patuloy pa rin ang analysis na ginagawa ng mga otoridad sa mga gamit ng mga ito, habang nilalawakan ang counter-intelligence operations ng bansa.