Matagumpay na nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong Pilipinong umano’y inabuso at pinilit magtrabaho bilang mga scammer sa Cambodia.
Ang operasyon ay nagsimula noong nakaraang linggo nang makatanggap ang NBI ng isang video mula sa mga biktima na humihiling ng tulong at humihingi ng assistance kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at NBI Director Jaime Santiago.
Sa isang pulong balitaan, binigyang-diin ni Director Santiago ang mahalagang papel ng International Criminal Police Organization (Interpol) hinggil sa matagumpay na operasyon.
Ayon sa mga biktima, nakakita sila ng isang post online na nag-aalok umano ng trabaho bilang customer service representative kung kaya’t kinagat nila ito at mula sa Tawi-Tawi, sumakay umano sila sa maliit na bangka bago sila nailipat sa isang fishing boat patungong Sabah, Malaysia at saka nakarating sa Phnom Penhm, Cambodia.
Pagdating nila sa Cambodia, binigyan aniya sila ng cellphone at inutusan ng isang Filipino supervisor mula sa kumpanya na mag-download ng mga social media app upang makapang scam ng mga matatandang banyaga gamit ang cryptocurrency.
Samantala kasalukuyan namang sumasailalim sa counseling ang tatlong Pilipinong nasagip ng NBI.