-- Advertisements --

Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na walang kinalaman ang International Criminal Police Organization (Interpol) sa imbestigasyon laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque at political vlogger Claire Contreras na kilala rin sa tawag na Maharlika.

Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, sariling imbestigasyon ang isinagawa ng NBI at ang mga findings nito ang nagsilbing pangunahing basehan sa paghahain ng kaso laban sa dalawa.

Aniya, may ‘strong evidence’ ang NBI sa naging paglabag nina Roque at Contreras sa mga lokal na batas sa Pilipinas, kaya’t tuluyang sinampahan ng kaso ang dalawa.

Una nang naghain ng sedition charges ang NBI sa Department of Justice (DOJ) laban kina Roque at Contreras dahil sa kumalat na video online kung saan isang lalake na kawangis ni Pang. Ferdinand Marcos Jr ang makikitang humihithit ng isang puting powder.

Ang naturang video ay kilala sa tawag na ‘polvoron video’.

Giit ng NBI, dati nang napatunahan na ang polvoron video at AI-generated, sa pamamagitan ng ilang forensic analysis.

Ayon naman kay NBI Director Jaime Santiago, kailangang mapigilan na ang pagkalat ng mga fake news sa bansa, kasama na ang lumalalang paggamit ng teknolohiya upang manipulahin ang kumakalat na impormasyon sa internet.

Muling iginiit ng NBI na ang paghahain ng kaso laban sa dalawa ay hindi dahil sa political agenda kungdi dahil sa ang dalawang indibidwal ay lumabag sa batas ng Pilipinas.