Ipinauubaya na ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring pananambang sa Lanao del Sur na nagresulta sa pagkasawi ng limang PDEA agents.
Kinumpirma ni PNP Spokesperson C/Supt. Benigno Durana na tukoy na ang mga suspek sa nasabing insidente subalit hindi muna niya ito pinangalanan.
Pawang mga sibilyan aniya ang mga natukoy na suspek at may kinalaman umano sa operasyon ng iligal na droga sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sasampahan na rin umano ng kaso ng Police Regional Office ARMM sa pamumuno ni C/Supt. Graciano Mijares ang mga naturang suspek.
Pagtitiyak pa ni Durana, walang mangyayaring “whitewash” sa ginagawang imbestigasyon kaya’t nagkasundo na sila ng PDEA na papasukin ang NBI dito.
Anggulong mistaken identity ang isa sa tinitignan ngayon ng PNP lalo’t may napatay na drug suspek ang Police Drug Enforcement Unit nuong isang buwan kaya’t posible aniyang gumanti ang mga sindikato at PDEA ang tinarget.