Pinabulaanan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ulat kaugnay sa pakamatay ng dalawang magsasaka sa Nueva Ecija dahil sa pagbaba ng presyo ng palay, at sinabing iba ang dahilan sa likod ng mga kalunos-lunos na insidente.
Lumabas sa imbestigasyon ng NBI na taliwas sa mga kumakalat na pahayag sa social media, walang naganap na pagpapakamatay sa Talavera.
Ang mga pagkamatay ay naganap sa Guimba, kung saan dalawang kumpirmadong insidente ng pagpapatiwakal ng mga magsasaka ang iniulat noong Marso 12 at Marso 18, 2025.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang unang nasawi ay mayroon umanong sakit base na rin sa kaniyang asawa at lagi umanong sinasabing gusto na niyang tapusin ang kaniyang buhay.
Nilinaw din ng biyuda ng unang biktima na ang kanyang asawa ay farmworker at hindi direktang apektado sa mababang presyo ng palay.
Ang pangalawang biktima, na isa ding farmworker sa Guimba, ay nagbuwis ng sariling buhay dahil sa personal na dahilan.
Samantala, natunton ng NBI ang pagkalat ng maling impormasyon mula sa isang lokal na kandidato, na ginamit umano ang naturang insidente upang makakuha ng political leverage bago ang halalan sa Guimba.
Sa ngayon, pinag-aaralan na ng NBI kung mayroon itong pananagutan.
Nilinaw din ng NBI na walang nagpakamatay sa bayan ng Talavera ngunit kinumpirma ang naturang insidente sa Licab.