-- Advertisements --

Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na hindi pagkalugi sa pagsasaka ang dahilan ng pagkamatay ng dalawang magsasaka sa Nueva Ecija.

Una kasing lumutang ang naturang isyu kung saan isang magsasaka ang umano’y nagpakamatay sa bayan ng Guimba at isa rin sa Talavera kung saan dinidibdib umano ng mga ito ang pagkalugi sa sakahan.

Pero paglilinaw ni Santiago, hindi pagkalugi sa sakahan ang dahilan ng pagpapakamatay ng dalawa, batay na rin sa isinagawang serye ng pagsisiyasat sa pangunguna ng NBI Central Luzon.

Natuklasan sa imbestigasyon na ang walang nagpakamatay sa Talavera at sa halip ay dalawa ang magsasakang nagpakamatay sa Guimba.

Lumalabas pa sa imbestigasyon aniya na ang dalawang magsasakang nagpakamatay ay may personal na problema kung saan ang isa ay may iniindang matinding sakit at matagal na umano niyang nais kitilin ang kaniyang buhay.

Ang isa naman, ayon kay Santiago, ay labis na dinibdib ang umano’y pang-iiwan sa kaniya ng kaniyang asawa.

Sa katunayan aniya, nakausap pa ng NBI ang mga pamilya ng dalawang magsasaka.

Ang pamilya ng isang biktima aniya ay nagagalit pa umano kung bakit ‘kina-capitalize’ ang pagpapakamatay ng kanilang kaanak.

Samantala, pareho namang walang sinasakang farm ang dalawa, batay na rin sa natuklasan ng ahensiya.