Tiniyak ng National Bureau of Investigation-Sarangani District Office (NBI-SARDO) na tutupad sila sa utos na ipasarado ang Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, kay Regner Pineza, head ng NBI-SARDO na hinihintay na lamang nila ang mga dokumento at opisyal na utos na magmumula sa kanilang head office kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa NBI at Criminal Investigation and Detection Group na ipapasarado na ang KAPA.
Para naman sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang “whole of the nation approach” ang gagawin nilang hakbang upang mapadali ang pagpapasara sa Kabus Padatoon investment scam.
Sinabi sa Bombo Radyo Cagayan de Oro ni CIDG Region-10 regional director Lt. Col. Reymund Liguden na kahit hindi pa nagpalabas ng kautusan si Pangulong Duterte upang ipasara ay mayroon na silang ginawa na “case build up” laban sa KAPA.
Inihayag ni Liguden na maliban sa NBI at SEC, hihingan din nila ng tulong ang local government units at iba pang ahensiya upang mapabilis ang pagpapasara ng investment scam ng grupo ni KAPA founder Joel Apolinario.
Magugunitang laganap din na ang operasyon ng KAPA maging sa Bukidnon, Misamis Oriental at Cagayan de Oro City.
Una rito sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy, tinawag pa ng Pangulo na syndicated estafa ang ginagawa ng KAPA kaya’t kinakailangan na kaagad na ipasarado.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na kahit ang Bangko Sentral ng Pilipinas o Bank of America ay hindi nagbibigay ng 30 porsyento na kita sa investment, tulad sa inaalok ng KAPA sa kanilang mga miyembro.
Nabatid na ini-refer naman ng Business Permits and Licenses Division sa lungsod ng Gensan sa City Legal Office ang kaugnay sa legalidad ng operasyon ng KAPA sa GenSan para sa sunod na gagawing hakbang.
Ito’y matapos bigong makapagpakita ang mga tauhan ng KAPA ng board resolution na nagbibigay sa kanila ng pahintulot na makapag-operate sa GenSan, dahil nasa Alabel, Sarangani Province ang kanilang main office.
Nangyari ito ng mag-inspection ang taga-BPLD sa mga investment group sa lungsod noong nakaraang linggo.
Wala rin umano naipakitang bagong Securities and Exchange Commission (SEC) registration ang KAPA, makaraan itong i-revoke ng komisyon noong mga nakaraang buwan.
Sinabi ng SEC na ang revocation order sa rehistro ng KAPA ay pagbabawal ng “investment taking” mula sa donasyon ng kanilang mare-recruit na mga miyembro.