-- Advertisements --

Posibleng i-reskedyul o ipagpaliban muna ang summon o pag-imbita kay Vice President Sara Duterte para sa imbestigasyon sa umano’y grave threat at posibleng paglabag sa Anti-Terrorism Act kasunod ng kaniyang mga pahayag na may inatasan siya para pumatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling paslangin siya.

Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, sakaling hilingin ni VP Sara na i-reskedyul ang kaniyang summon, posibleng pagbibigyan aniya ito para makadalo ang Bise Presidente sa pagdinig ng House Commitee on Good Government and Public Accountability bukas, araw ng Biyernes, Nobiyembre 29.

Ang komite na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua ang nag-iimbestiga sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Subalit sa ngayon ayon kay Dir. Santiago wala pang natatanggap na request ang NBI mula sa Ikalawang Pangulo.

Nauna na ngang kinumpirma ni VP Sara na natanggap na niya ang subpoena mula sa NBI.

Sinabi din ng Bise Presidente na kaniyang hihilingin na ma-reschedule ito dahil uunahin aniya ang pagdalo sa pagdinig ng House panel para magpakita ng suporta sa kaniyang staff na haharap bilang resource person.