Nakahanda raw ang Department of Justice (DoJ) na imbestigahan ang kontrobersiya sa “tongpats sytem” sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra, sa ngayon ay kinakailangan lamang na makakuha sila ng mga impormasyon hinggil sa sinasabing tongpats o suhulan sa DA partikular sa meat importation.
Tinitiyak ng kalihim na sa sandaling makita niyang may sapat na basehan para sa malalimang imbestigasyon ay agad niya itong ire-refer sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Task Force Against Corruption.
Ang naturang alegasyon ng tongpats sa imported pork ay pinaiimbestigahan na ni DA Sec. William Dar.
Pero sa ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines, mas makabubuti kung ang DOJ o ang NBI ay manghimasok at magsiyasat sa sinasabing problema sa DA.
Umaasa rin ang mga magbababoy na matutulungan sila ni Sec. Guevarra hinggil sa kanilang problema sa DA na imbes na pumapanig sa kanila ay nagpapahirap pa raw sa mga magsasaka na apektado na nga ng smuggling, African Swine Fever at sobra-sobrang importasyon.