Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang buong suporta sa National Bureau of Investigation (NBI) sa gagawin nitong imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo De Guzman alyas Kulot.
Ayon kay PNP Spokesperson Pol. C/Supt. Dionardo Carlos, anumang tulong na kakailanganin ng NBI ay kanilang ibibigay para sa naturang kaso.
Sinabi ni Carlos na pabor din ito sa kanila upang mapawi ang pangamba na kanilang pinapaboran ang mga pulis na itinuturong suspek sa mga krimen.
Dagdag pa ng heneral na mayroon na ring Special Investigation Task Group o SITG silang binuo hinggil sa mga kasong ito at anumang resulta ay ibibigay sa NBI.
Ang nasabing SITG ay kinabibilangan ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group.
Una nito ay si mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na NBI na ang hahawak sa pag-iimbestiga sa kaso nina Carl at Reynaldo dahil mga pulis ang sinasabing mga suspek.