-- Advertisements --

Nanawagan ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga telecommunications companies na paigtingin ang kanilang online security at i-block ang lahat ng mga websites na sangkot sa online sexual exploitation of children (OSEC).

Mula kasi nang mag-umpisa ang pandemya, maraming mga kabataan ang naeenganyong magbenta ng mga malalaswang larawan kapalit ng pambayad sa kanilang gadgets at internet connection.

Ayon kay NBI Cybercrime Chief Vic Lorenzo, patuloy ang kanilang pagsusumikap upang matunton ang lahat ng mga
consolidators, sexual predators, at mga nagpapakalat ng mahahalay na mga larawan at video ng mga bata.

“Recently, last operation namin, napag alaman namin may nagco-consolidate ng mga photos na yan, hindi directly nage-engage (ang estudyante) may mga sexual predators, pinapasa, at yung consolidator nagfa-facilitate, nagbebenta at nagbabayad sa estudyante,” wika ni Lorenzo.

Batay sa report mula sa Child Rights Network (CRN), nasa 600,000 malalaswang larawan at videos ng mga kabataang Pinoy ang ibinahagi at ibinenta online noong Pebrero 2020.

Inamin ni Lorenzo na nahaharap sa limitasyon ang mga law enforcers, lalo na sa usapin ng data privacy, ngunit mas may kapangyarihan ang mga telecommunication companies at internet providers na ma-monitor ang lahat ng internet data.

“Medyo challenging dahil vast and internet pero doable siya dahil sa presence ng artificial intelligence ngayon,” ani Lorenzo.

Kasabay din aniya ng pagtaas ng exposure ng mga bata sa internet ngayong may pandemya, hinimok ni Lorenzo ang mga magulang na i-monitor ang araw-araw na aktibidad ng kanilang mga anak at limitahan lamang ang access sa mga websites.

“Cyber security begins at home, and magulang dapat alam tell tale signs, kung malaman na engage sa OSEC ang bata, ine-encourage namin na makipag-uganayan sa amin,” dagdag nito.