Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang bodega ng bigas sa Bocaue, Bulacan na sangkot umano sa repacking ng lumang bigas kasama ang imported rice saka ibebenta na bagong bigas sa mas mataas na presyo.
Nagresulta naman ito sa pagkakaaresto ng ilang indibidwal kabilang ang warehouse manager, 2 casers at isang inventory officer.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, sasailalim sa inquest proceedings ang mga suspek habang isinasapinal ang mga posibleng kasong isasampa laban sa mga ito kabilang ang economic sabotage.
Inaantay na lamang nila ang Department of Agriculture (DA) para matukoy ang presyo at dami ng bigas na nadiskubre sa warehouse.
Inihayag naman ng NBI chief na ikinasa ang naturang raid matapos ang ilang buwang surveillance simula noong Disyembre.
Sa ngayon, blangko pa aniya sila kung dayuhan o Pilipino ang nagmamay-ari ng ni-raid na warehouse.