Puspusan pa din ang paghahanap sa apat na Pilipinong napaulat na nawawala siyam na araw mula nang tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar na kumitil na ng mahigit 3,000 katao.
Kaugnay nito, ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Yangon, Myanmar, nakatakdang dumating bukas, araw ng Linggo ang isang team mula sa Disaster Victim Identification Division ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Mandalay kung nasaan ang gumuhong Sky Villa condominium na tinitirhan ng apat na Pilipinong napaulat na nawawala.
Dito, target ng grupo na makolekta ang tissue samples mula sa mga hindi pa natutukoy na mga labing narekober mula sa gumuhong gusali.
Kokolektahin din ng nasabing Division ang samples mula sa mga miyembro ng pamilya ng mga nawawalang Pilipino upang makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan.
Nauna na ngang napaulat na nasa apat na Pilipino ang patuloy na nawawala matapos tumama ang malakas na lindol. Pinangangambahang na-trap ang mga ito sa 12 palapag na condo nang tumama ang lindol.
Idinetalye ni Department of Foreign Affairs (DFA) Office of Migration Affairs Director Catherine Alpay na may mga narekober na labi sa naturang disaster site at karamihan sa mga ito ay nasa state of decomposition na.