Tinapos na ng National Bureau of Investigation ang kanilang imbestigasyon sa naging banta ni Vice President Sara Duterte laban kay PBBM, FL Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, kasalukuyan nang inievaluate ng Department of Justice ang inisyal na imbestigasyon ng NBI.
Aniya, nagtalaga na ito ng mga prosecutors upang suriing muli ang mga ebidensya na nasa kustodiya pa ngayon ng NBI.
Depende rin aniya sa kalalabasan ng evaluation kung maglalabas sila ng rekomendasyon na magsampa ng kaso laban sa bise sa DOJ o kailangang ibalik sa NBI para palakasin ang kaso ng sa gayon ay hindi ito ibasura ng korte.
Patuloy naman ang pagtutulungan ng DOJ at NBI para maresolba ang naturang usapin.
Ayon naman kay Justice Undersecretary Raul Vasquez , ang isinasagawang ebalwasyon sa inisyal na imbestigasyon ng NBI ay bahagi ng case build up.