Nagpahayag na ng suporta ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pamahalaan lalo na sa pagpapatupad ng arrest warrant sa mga sangkot sa pag-atake sa Marawi City kasunod ng deklarasyon ng Martial Law.
Ang mga maaaresto ay isasailalim din umano sa karagdagan pang imbestigasyon at sa oras na madakip ay kailangan silang masampahan ng reklamo sa loob ng tatlong araw sa piskalya.
Sa ilalim kasi ng 1987 Constitution, ang isang tao na inaresto sa panahon ng Batas Militar at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus ay kinakailangang makasuhan sa korte sa loob ng tatlong araw at kung hindi ay kailangan silang palayain.
Ang pahayag ng NBI ay kasunod ng pagpapalabas ni Martial Law Administrator at Defense Secretary Delfin Lorenzana ng unang arrest order.
Sa apat na pahinang arrest order No. 01 na may petsang May 29, 2017, aabot sa 125 na indibidwal ang ipinaaaresto para sa kasong Rebellion na paglabag sa ilalim ng Article 134 ng Revised Penal Code at dahil sa hinalang kunektado sila sa gulo sa Marawi City at sa iba pang bahagi ng Mindanao.