CEBU CITY – Iniharap sa media ang isa sa pinaniniwalaang responsable sa pagbaril-patay sa high-profile lawyer mula sa Cebu na si Atty. Joey Luis Wee na unang na-aresto sa Luzon area.
Dumating ngayong araw sa Cebu ang isa sa mga suspek na si Fausto Edgar Peralta na ayon sa impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI), isa itong dating sundalo at kasalukuyang nagtrabaho bilang officer-in-charge sa isang Security Agency sa Luzon.
Ayon kay NBI-7 Director Atty. Renan Oliva, hawak na nila ang pangalan ng iba pang mga suspek na bumubuo sa anim na tinuturong responsable sa pagpatay kay Wee.
Sa datos sa NBI, kinilala ang iba pang dalawang suspek na nanatiling at-large sa ngayon na sina John Raymund Suarez at isang Randy Palparan.
Nasa kustodiya na ng NBI ang karagdagan pang mga ebidensiya na magdidiin sa mga suspek.
Napag-alaman na nagrenta pa ng pension house ang mga tinuturong gunmen bago ginawa ang pagbaril kay Atty. Wee kung saan may mga ebedensiya rin mula sa Mactan-Cebu International Airport sa pagdating mga responsable matapos na naglog-book din umano ang mga ito.
Isinampa ngayong araw ang kasong murder laban sa mga suspek samantalang nagpapatuloy din ang NBI sa pagsusubaybay sa iba pang responsable sa likod ng krimen kabilang na ang pag-aresto sa mastermind nito.
Samantalang sa inisyal na impormasyon ng NBI, may kaugnayan sa trabaho ni Atty. Wee ang motibo ng mga responsable sa pagpatay ng abogado.
Kung maaalala, Nobyembre 23 nang binaril-patay si Wee na papunta sana sa kanyang tanggapan sa Brgy. Kasambagan, Cebu City.