-- Advertisements --

Iginiit ng pamunuan ng National Bureau of Investigation na wala pa silang natatanggap na anumang impormasyon hinggil sa umano’y banta sa buhay ni Vice Prsident Sara Duterte.

Una nang sinabi ng bise sa isang video conference na nakatatanggap siya ng mga threats na naging dahilan kung bakit sinabi nito na kapag siya ay namatay, may inatasan na siyang gaganti kay PBBM, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay NBI Dir. Jaime Santiago , wala silang ideya sa umano’y banta sa buhay ng pangalawang pangulo.

Kung maaalala, binantaan ni Sara si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr., First Lady Louise ”Liza” Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ipapapatay kung siya ay mamamatay habang nasa loob ng House of Representatives.

Namalagi kasi ang bise sa loob ng opisina ng kanyang kapatid na si Rep. Paulo Duterte dahil binibisita nito ang kanyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez.

Ipinag-utos rin kasi ng Kamara na ilipat ang detention ni Lopez sa Correctional Institution for Women sa Manduluyong City na hinarang ni Duterte.

Samantala, nilinaw ni VP na hindi ito banta laban sa pangulo , sa halip ay gusto niya lamang na bigyang diin ang mga banta sa kanyang buhay para na rin sa kanyang seguridad.