Wala pang tinitignan sa ngayon na person of interest ang National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y kill order ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ito ang dahilan kayat nais nilang makausap ang Bise Presidente upang makapagpaliwanag siya sa kaniyang mga binitawang pahayag noong araw ng Sabado na ikinokonsidera ng mga awtoridad na banta sa Pangulo at isang isyu ng national security.
Kaugnay nito, isinilbi ng mga ahente ng NBI ngayong araw ang subpoena sa Office of the Vice President (OVP).
Umaasa naman ang NBI chief na magpapaliwanag ang Ikalawang Pangulo kung bakit siya nakapagsalita ng ganoon laban sa Pangulo at iba pa. Bagamat hindi na aniya nila inaasahan pa kung hindi isisiwalat ni VP Sara ang pagkakakilanlan ng indibidwal na kaniya umanong kinontrata para i-assassinate o patayin ang Pangulo sakaling siya ay mapatay.
Samantala, matatandaan na nauna naman ng nilinaw ni VP Sara na ang kaniyang assassination statement ay hindi isang banta sa halip ay kaniya lamang umanong ipinapahayg ang umano’y banta sa kaniyang seguridad.